Image Hosted by ImageShack.us

April 6, 2008

PANSOL, SAFE PALIGUAN

CALAMBA CITY - Nais patunayan ng Barangay Pansol na ligtas ang tubig sa kanilang mga resort upang paliguan at pagpahingahan ng mga turistang tumatangkilik sa mainit na tubig dito. Nais din kilalanin sila bilang Wellness Capital of the Philippines dahil na din sa mainit na tubig (hot springs) at sa serbisyo ng "Hilot Pansol". Sa ngayon ay gumagawa na ng paraan ang Sangguniang Barangay katulong ang Pansol Tourism Council sa pamumuno naman ni Raffy Tabora kung paano manunumbalik ang dating sigla ng pagpasok ng mga turista sa naturang lugar. Nangumbida sila ng National Television coverage, inanyayahan din nila si Senator Dick Gordon, Governor Ningning Lazaro, Mayor Jun Chipeco at ilang pang mga opisyal ng bayan sa gagawing "Lublubang Bayan" upang ipakita na ligtas paliguan ang tubig dito. Gustong ipakita ng Pansol na hindi kontaminado ng Typhoid bacteria ang mga resort dito. Paliwanag ni Kapitana Sally Dela Cruz sa Sulong News, galing sa deep well ang mga tubig ng mga resort operators. Sa pag-iikot ng Sulong News Team sa Pansol, iminungkahi ng ilang mga concern citizen na dapat magkaroon din daw ng inumang bayan kung saan iinom ang mga opisyal ng bayan ng tubig mula sa mga gripo sa mga resorts upang ipakita na ligtas ang tubig na iniinom sa loob ng mga resorts. Naapektuhan daw ang turismo ng Pansol gawa nga ng Typhoid Outbreak pero di ang pagpaligo sa mga resort ang pangunahing problema kungdi ang Typhoid. Ayon kay Kagawad Danny Cuevas "Nais namin ipakita na ang tubig sa Pansol ay di nakaka apekto bagkus nakakagaling pa."
Natiyempuhan naman si dating kagawad Bong Ibuna sa kanilang resort at nalungkot din siya sa paghina ng negosyo sa Pansol, "Walang ngang trapik, wala ding costumer, malaki ang inilugi sa negosyo namin." aniya.
Sa kaugnay na balita, malakas sa kabuuan ang pagpasok ng turismo sa lalawigan ng Laguna. Ito ang sinabi ni Bokal Karen Agapay ng ikatlong Distrito ng lalawigan. Maliban sa Pagsanjan Falls. Tinatangkilik ng mga turista ang Tourist spot sa mga lugar ng Cavinti at Majayjay. Ang mga bayang nabanggit ay may mga magagandang pasyalan, Falls at white water rafting. Itinatampok ni Agapay sa kanyang Cable TV segment program ang mga tourist spot ng lalawigan. Umaasa naman si Agapay na manunumbalik muli ang sigla ng turismo sa Calamba, partikular sa Brgy. Pansol kung saan naroon ang napakaraming mga resorts. Marami namang mga turistang lokal na naniniwalang hindi apektado ang mga tubig sa mga resorts dahil aniya’y mga hot springs ito, sa init daw ng tubig na bumubukal mula sa ilalim ng lupa at hindi mabubuhay ang anumang bacteria dito. Karamihan kasi aniya ay halos sa mga hot springs galing ang tubig ng nasa malalaking resorts pati na ang mga private pools. (SULONG NEWS TEAM)

No comments: